Trader, driver hinoldap na dinedo pa

CAMP CRAME –Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang car trader at drayber nito ng tatlong kalalalakihan na nakiangkas lamang sa kotse ng mga biktima bago tinangay ang P1-milyon napagbentahang dala ng mga biktima sa Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktimang sina Arnel dela Cruz, car dealer at drayber nitong si Ramiro Villasis ng Bustos, Bulacan ay itinapon sa madilim na bahagi ng Sitio Diwalaan, Brgy. Rio Chico, General Tinio.

Samantala, isa sa kasama ng dalawang biktimang nasawi na nakatiyempong makalabas ang kotse habang isinasagawa ang krimen ay nakilalang si Samantha Garcia, ang nagsuplong sa pulisya kaya mabilis na nadakip ang isa sa tatlong suspek na si Asias Mariano ng Gapan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ng pulisya, bago pa umalis ang mga biktima sa kanilang lugar ay nakiangkas ang tatlong suspek at dahil sa kakilala nila ang mga ito ay tiwalang isinakay.

Habang bumabagtas ang kotse ng mga biktima sa kahabaan ng naturang lugar ay isinagawa ang krimen ngunit sa hindi nabatid na dahilan ay nakaligtas si Garcia at nagtago sa madamong bahagi ng nabanggit na lugar. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments