Murder suspect todas sa pulis

Isang murder suspect ang ninais pang mamatay kaysa makulong makaraang makipagbarilan sa tumutugis na pulisya kamakalawa ng umaga sa Brgy. San Roque, Zamboanga City.

Idineklarang patay sa Western Mindanao Medical Center ang murder suspek na si Arnold Tagud, 29, ng Feliciano Drive ng nabanggit na barangay.

Samantala, ang pulis na nakabaril ay nakilalang si P/Insp. Parson Asadil, commanding officer ng 2nd Regional Mobile Group na nakabase sa Mercedez, Zamboanga City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-11 ng umaga nang magtungo ang grupo ni Asadil sa bahay ng suspek upang isilbi ang warrant of arrest dahil sa pagpatay nito kay Soriano Que noong Agosto 18, 2002.

Imbis na sumuko si Tagud ay nakipagbarilan pa sa mga kagawad ng pulisya kaya napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi naman ng murder suspek. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments