Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Guiguinto Regional Trial Court Judge Teresita Baldos-Diaz ng Branch 79, sinalakay ng mga awtoridad ang RIS Industrial Complex bandang alas-3 ng hapon.
Nakuhang makatakas ng mga trabahador at may-aring si Joeffrey Aranda, ng 485 Banawe Avenue, Quezon City dahil sa mga lihim na camera na nakakabit sa paligid ng pabrika.
Ang mga camera ay nagsisilbing mata sa labas ng pabrika kapag may pagbabalak na sumalakay na mga awtoridad upang dagliang makatakas ang mga nasa loob.
Walang nadakip na trabahador maliban sa mga nakumpiskang 2 injection moulding liners, vacuum mixer machine, high power generator, duplicating machine at mga materyales na ginagamit sa pamemeke ng video compact dics (VCDs).
Magugunitang ni-raid na rin ng mga awtoridad ang Sterling Industrial Complex sa Brgy. Iba, Meycauayan, Bulacan na aabot sa halagang P1-bilyon duplicating machine at mga materyales ang nakumpiska at nagresulta rin sa pagkakadakip ng 12 dayuhang trabahador. (Ulat ni Efren Alcantara)