Grade 1 pupil todas, 3 grabe sa salpukan ng FX at trike

DASMARIÑAS, Cavite - Dead on the spot ang isang Grade I pupil, habang nasa kritikal na kondisyon ang ama nito, at dalawa pa matapos na suwagin ng isang Toyota Tamarraw FX ang sinasakyan ng mga itong tricycle sa kahabaan ng Jose Abad Santos Brgy. Salitran 4 ng bayang ito, kahapon ng umaga.

Ang biktimang namatay noon din ay si Harold Cerdon, 6 anyos, residente ng Bgy. Salawag ng bayang ito, samantalang ang ama nito na kasalukuyang ginagamot sa UMC Hospital ay nakilalang si Isagani Cerdon, 28 anyos may asawa, ng nasabi ding lugar, habang ang dalawa pang katao na nasa kritikal na kondisyon ay nakilalang sina Francis Gominio, 24, may asawa, driver ng tricycle at Vivian Pakingan, 24, dalaga pasahero ng tricycle.

Sa ibinigay na report ni SPO1 Isagani Simera, may hawak ng kaso, kay Police Supt. Roberto Soriano, hepe ng pulisya, sa bayang ito ganap na alas-7 ng umaga nang maganap ang insidente.

Nasa east direction ang tricycle ng mga biktima nang suwagin ng Toyota Tamarraw FX na may plate no. UNN-968 na minamaneho ng suspek na si Michael Gracion, 27 anyos binata, residente ng Blk. 5 Lot-49 Diamond Village, Brgy. Salawag ay patungong opposite direction.

Nabatid pa na kinabig umano ng suspek ang kanyang minamanehong FX pakaliwa upang umiwas sa isang shuttle bus, subalit hindi nito napansin ang kasalubong na tricycle.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay halos parang yero na nayupi ang tricycle na naging dahilan ng pagkamatay ng bata at ikinalubha ng 3 pang sakay.

Kasalukuyan ngayong nakakulong ang driver ng FX at sinampahan ng kaukulang kaso. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments