Estudyante nailigtas sa kidnappers

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Isang estudyante ng AMA Computer University ang iniulat na naisalba ng pinagsanib na puwersa ng Cavite PNP Provincial Intelligence and Investigation Branch at grupo ng PACER sa kamay ng kidnap-for-ransom gang matapos na kidnapin ang biktima habang sakay ng kotse sa Queensrow Central, Bacoor, Cavite kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Jan Arad Fernandez, 24, binata at residente ang 149 Block 9 Lot 3 ng naturang lugar.

Samantala, ang limang suspek na ngayon ay nakapiit sa Camp Crame ay kinilalang sina Dennis Tres Valles, 25; Noel Tres Valles, 23; Conrado Jocson, 39, negosyante; Gonzalo Quanio, 21, trike drayber at Allan Gracia, 27, na pawang residente ng Las Piñas City.

Sa ulat na isinumite kay P/Sr. Supt. Samuel Pagdilao, Cavite provincial director, naganap ang pangyayari dakong alas-4 ng hapon noong Linggo, Agosto 25, 2002 habang minamaneho ng biktima ang kanyang kotse (DLB-279).

Humihingi ng P1-milyon ang mga kidnaper sa pamilya ng biktima ngunit nagkasundo sa halagang P.2-milyon hanggang sa ipagbigay-alam ang pangyayari sa mga awtoridad na nagsagawa naman ng operasyon na ikinadakip ng mga suspek sa pinagkukutaan ng mga ito sa Las Piñas. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments