Estudyante tinodas dahil sa pasahe

SAN ANDRES, Catanduanes – Dahil sa pagtangging magbayad ng karagdagang pasahe ay naging ugat ng kamatayan ng isang estudyante matapos na saksakin ng patalim ng pedicab drayber ang biktima sa Barangay Divino Rostro sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Eastern Bicol Medical Center ang biktimang si Joseph Cantoria, 19, binata, 4th year high school at residente ng Barangay Esperanza ng naturang bayan.

Samantala, ang suspek na mabilis tumakas sakay ng kanyang pedicab ay nakilalang si Jonathan Manalo, 20, may asawa ng Barangay Carangan ng naturang din lugar.

Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na sumakay ang biktima sa pinapasadang pedicab ng suspek upang magpahatid sa kaklase.

Bandang alas-11 ng umaga nang sumapit ang biktima sa harap ng bahay ng kanyang kaklase at nagbayad ng pasahe ngunit sinabihan siya ng suspek na kulang ang ibinayad.

Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo dahil sa ayaw dagdagan ng biktima ang ibinayad na pasahe hanggang sa mairita ang suspek kaya isinagawa ang krimen. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments