Barangay chairman nagpakamatay

SAN JOAQUIN, Iloilo City – Pinalalagay na malaking problema sa politika ang naging sanhi upang mag-suicide sa pamamagitan ng pagbaril ng dalawang beses sa ulo ang nanalong barangay chairman sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Cata-an sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Dalawang tama ng bala ng kalibre .38 baril sa kanang bahagi ng ulo ang tumama sa biktimang si Brgy. Chairman Esteban Sta. Cruz, 65, may asawa ng nabanggit na barangay.

Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang suicide dakong alas-3:30 ng hapon sa loob ng kuwarto ng biktima.

Ayon sa mga kasambahay, huling nakitang buhay ang biktima na aburido at mainit ang ulo sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Kaagad na nagkulong sa kuwarto si Brgy. Chairman Sta. Cruz at ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay nakarinig ang kasambahay ng dalawang malakas na putok mula sa kinaroroonan nito.

Pinuwersang buksan ang pintuan ng biktima at bumulaga sa kanila ang duguang bangkay ng chairman na may tama sa ulo at narekober ang basyo ng kalibre .38 baril.

Inaalam ng pulisya kung may naganap na foul play dahil sa walang iniwang suicide note ang biktima matapos isagawa ang pagpapakamatay.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments