Nakilala ang mga nasawi na sina Ret. Phil. Army 2nd Lt. Pio Isip, 53, tumatakbo bilang kapitan ng barangay sa Brgy. 7, Buenavista, Agusan del Norte; Emerito Capital,incumbent barangay chairman ng Brgy. Mahaba, Ligao, Albay; Elias Abud, barangay treasurer at tumatakbong kagawad at ang misis nitong si Josephine ng isang barangay sa Sitio Labak, Maitum, Sarangani.
Base sa magkakahiwalay na ulat, hinihinalang miyembro ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang siyang responsable sa pamamaslang kay Isip na ikinasugat din ng dalawang supporters nito na sina Gerry Boy Paterno at Elizer Erasmo makaraang tambangan ang mga ito habang papauwi galing sa kampanya sa Sitio Macan- ban, Brgy. Sangay Buenavista, Agusan del Norte.
Rebeldeng NPA din ang siyang iniulat na responsable sa pagpaslang kay Capital dahil sa pagiging aktibong miyembro nito ng Civilian Arm Forces Geographical Unit (CAFGU) sa Mahab, Ligao, Albay.
Si Capital ay pinaslang habang ito ay nangangampanya sa isang sales lady sa isang hardware store sa lalawigang ito kamakalawa ng tanghali.
Hinihinalang mga kaalitan sa lupain naman ang responsable sa pananambang at pagpaslang sa mag-asawang Abud sa Brgy. Poblacion, Sitio Labak, Maitum, Sarangani.
Nabatid na patungo sa isang pulong ang mag-asawang Abud na kung saan kandidato ang lalaki sa pagka-kagawad at kasalukuyang treasurer nang tambangan ng mga armadong kalalakihan at pagbabarilin kamakalawa. (Ulat nina Danilo Garcia at Tony Sandoval)