Obrero todas sa 2 adik

BACOOR, Cavite – Naging maaga ang kamatayan ng isang 33-anyos na obrero matapos na mapagtripan pagsasaksakin ng kanyang dalawang kapitbahay sa harap ng bayaw habang naglalakad papauwi sa Brgy. Panapaan 4 sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Hindi na nagawang isinugod pa sa ospital ang biktimang si Garry Gabris, may asawa ng Malagihay street ng nabanggit na barangay, samantala, ang mga suspek na ngayon ay nakapiit ay nakilalang sina Garry Dagondon, 29, welder at Harry Ibañez, 22, isang bombero at kapwa residente rin ng naturang lugar.

Sa pagsisiyasat ni PO1 Kenneth Tortona, naganap ang krimen dakong alas-9 ng gabi matapos na magsalubong ang biktima kasama ang bayaw at dalawang suspek sa makipot na kalsada.

May palagay ang pulisya na lango sa droga ang mga suspek at dahil na rin sa may itinatagong matagal na galit sa biktima ay pinagtulungang saksakin.

Hindi naman natulungan ng bayaw ang biktima dahil sa takot na madamay sa kalawit ni kamatayan. (Ulat nina Lanie Mate-Sapitanan/Cristina Go-Timbang)

Show comments