Dalagita ni-rape/slay ng addicts

TAYTAY, Rizal – Pinaniniwalaang biktima ng rape-slay ang isang di pa nakikilalang dalagita na may nakatarak pang patalim sa leeg na natagpuan ng mga mangingisda na lumulutang ang bangkay sa coastal road ng bayang ito kamakalawa ng umaga.

Base sa ulat ng Taytay police, ang pagkakadiskubre sa bangkay ay ipinagbigay-alam sa kanilang himpilan ni Roberto Rimarin, kagawad ng Brgy. San Juan sa Taytay.

Ayon sa salaysay ni Rimarim, isang grupo ng mangingisda ang nakakita sa bangkay na lumulutang sa tubig dakong alas-10 ng umaga noong Lunes, Hulyo 8.

Ang biktima ay nakahikaw pa at nasa pagitan ng 15 hanggang 18-anyos at may taas na 4’9 at walang pang-ibabang saplot sa katawan at nakasuot ng kulay puting t-shirt.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Dario Miranda, may palagay na ginahasa muna ang biktima bago pinaslang ng mga hindi pa nakikilalang lalaki na pawang bangag sa ipinagbabawal na gamot.

Kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng Scene of the Crime operations (SOCO) Operatives ang bangkay ng biktima para sumailalim sa awtopsiya.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments