5 NPA patay sa sagupaan

Limang kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kumpirmadong nasawi, samantala, tatlo sa panig ng militar ang nasugatan sa naganap na magkahiwalay na engkuwentro sa kagubatang sakop ng Brgy. Cabuluhan sa Sta. Elena, Camarines Norte at Sitio Hinupakan, Brgy. Magtunao, Misamis Occidental noong Biyernes ng hapon at kamakalawa ng umaga.

Kasalukuyang inaalam ng militar ang mga pagkikilanlan ng mga rebelde, samantala, sina Sgt. Romeo Hernandez at Cpl. Renato Tejada ay ginagamot ngayon sa Holy Trinity Hospital sa Sta. Elena, Camarines Norte at ang isa pang kawal na pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan.

Base sa ulat, naganap ang unang sagupaan bandang alas-4 ng hapon habang nagpapatrolya ang tropa ng 31st Infantry Battalion ng Phil. Army kaugnay sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan election.

Ikalawang engkuwentro ay sa pagitan ng tropa ng 51st Infantry Battalion na sakop ng Tangub City bandang alas-11:35 ng umaga habang nagpapatrolya ang mga sundalo.

Napilitang umatras ang iba pang rebelde matapos na makitang may nalagas sa kanilang grupo habang patuloy namang tinutugis ng militar sa hindi nabatid na direksyon. (Ulat nina Francis Elevado/Danilo Garcia)

Show comments