Misis natuluyan sa ikatlong pagpapakamatay

LOPEZ, Quezon – Natuluyan ng mamatay sa ikatlong tangkang pagpapakamatay ang isang 30-anyos na misis makaraang magbaril sa ulo sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Magsaysay sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Idineklarang patay sa Quezon Memorial Hospital ang biktimang si Arlyn Teguinos, tubong Guinyangan, Quezon at residente ng nabanggit na barangay.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO3 Paterno Montero, naganap ang suicide bandang alas-6 ng umaga habang naliligo ang asawa ng biktima.

Isang malakas na putok ng baril ang narinig ni Danilo, 39, asawa ng biktima kaya nagmamadaling lumabas ng banyo at bumungad sa kanyang harapan ang duguang katawan ng kanyang misis.

May palagay ang pulisya na malalim na problema sa pamilya ang naging dahilan nang pagpapakamatay ng biktima. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments