P54.7-M marijuana sinunog

Tinatayang aabot sa 273,720 puno ng marijuana na nagkakahalaga ng P54.7 milyon ang sinunog matapos na salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Cordillera Administrative Regional Mobile Group at Benguet PNP Office ang plantasyong pinagtataniman ng ipinagbabawal na halaman kamakalawa.

Batay sa ulat na nakarating kay DILG Secretary Joey Lina na isinumite ni Executive Director Miguel Coronel ng National Drug Law Enforcement and Prevention Coordinating Center, ang plantasyon ay nadiskubre sa hangganan ng Buguias, Benguet at Tinoc, Ifugao.

Nagpadala na rin ng karagdagang puwersa ng pulisya upang wasakin ang nabanggit na plantasyon ng marijuana na pinalalagay na pagmamay-ari ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Walang naiulat na nadakip dahil sa pinalalagay na nakatunog saka tumakas ang mga nagbabantay bago pa dumating ang mga awtoridad. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments