5 preso balik kalaboso matapos pumuga

Nabigo ang malayang pagtakas ng limang preso nang mahuli ng mga nakaalertong kagawad ng pulisya matapos tumakas sa kanilang kinapipiitang selda sa Polangui District Jail, Albay, kamakalawa.

Kaya naman madadagdagan ng panibagong kaso ang mga presong sina Leopoldo Salcedo, may kasong rape; Alex Taduran, may kasong robbery/carnapping; Dorio Blawuiza, may kasong murder; Narciso Diabaneco na may kasong illegal possesion of bank notes at Wilfredo Salalima na may kasong frustrated murder.

Batay sa ulat dakong alas-5:40 ng hapon nang gulpihin ng mga ito ang isang guwardiya na nagbibigay ng hapunan sa mga preso at pagkatapos ay nagsitakas na.

Nakarating naman agad sa Polangui Municipal Police Station ang pagpuga kaya’t nagsagawa ang mga ito ng blocking operations sa mga pangunahing daan upang mahadlangan ang tuluyang pagtakas ng lima.

Nasakote ang limang preso dakong alas-6:50 ng gabi sa Brgy. Centro Occidental ng bayang ito na pawang magkakasama.

Nabatid na hindi alam ng mga nagsitakas na bilanggo kung saan sila pupunta dahil pawang hindi kabisado ang lugar. (Ulat nina Joy Cantos/Ed Casulla)

Show comments