SULYAP BALITA

Sarhento todas sa ambus
RODRIGUEZ, Rizal – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang sarhento ng pulisya ng tatlong hindi kilalang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang papauwi sakay ng kanyang kotse sa Brgy. Burgos sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Labingdalawang bala ng kalibre 45 baril ang tumama sa katawan ni SPO4 Manuel Alberto, hepe ng San Mateo police investigation unit at residente ng Goldriver Village Subdivision ng nabanggit na barangay.

Naganap ang pananambang bandang alas-8:15 ng gabi habang pumapasok ang sasakyan ng biktima sa gate ng naturang subdivision na pinalalagay ng pulisya na pinag-aralan ang mga kilos nito bago isagawa ang krimen. (Ulat ni Danilo Garcia)
Trike drayber dinedo ng ex-police
GENERAL TRIAS, Cavite – Isang trike drayber ang kumpirmadong nasawi habang nasugatan naman ang kapatid nitong babae makaraang ratratin ng dating pulis habang nagtatayo ng bakod sa lupa na pag-aari ng biyanan ng huli sa Brgy. Bacao 1 sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jose Bagorio, 37, may-asawa, samantala, ang utol nitong si Natividad Barqueros, 35, may asawa na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Kaagad naman tumakas ang suspek na si dating SPO1 Delfin Poblete, 56, bayaw ng nasawing biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SP01 Felimon Colocado, naganap ang krimen dakong alas-9:45 ng umaga makaraang magtalo ang suspek at mag-utol sa itinatayong bakod sa lupa na pag-aari ng biyanan ng dating pulis. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)
3 tulak timbog sa drug bust
Tatlo katao na pinaniniwalaang nagtutulak ng droga ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang drug bust operation sa magkahiwalay na lalawigan kamakalawa.

Sina Sonny Laya, alyas Weng ng Culiat Compd., Quezon City at Muksin Ismael, 36, ay nakumpiskahan ng shabu na nagkakahalaga ng P.5 milyon sa Brgy. Gun-ob, Lapu-lapu City.

Isang informer ng pulisya ang nag-tip sa pagtutulak ng droga nina Laya at Ismael kaya isinagawa ang drug bust na nagresulta upang marekober ang 250 gramo ng shabu.

Samantala, si Clarita Marquez, 30, ay dinakip ng pulisya sa Brgy. Poblacion, Sariaya, Quezon dakong alas-3:30 ng hapon sa isinagawang buy-bust operation. (Ulat nina Joy Cantos/Tony Sandoval)
Dumpsite sa Bulacan hiling ipasara
MALOLOS, Bulacan – Hiniling kahapon ng mga residente ng Sapang Palay at San Jose del Monte sa lalawigang ito kay Bulacan Governor Josie dela Cruz na ipasara na ang dumpsite na pinagmumulan ng iba’t ibang sakit mula sa mga basurang itinatapon nagmula sa Metro Manila.

Ang nabanggit na kahilingan ay sinuportahan ng lahat ng residente ng nabanggit na lugar dahil sa posibleng maapektuhan ang inuming tubig na galing sa hinukay na balon malapit sa dumpsite.

Ayon pa sa mga residente na noong Marso 22, 2002 lamang ay nalason ang 51 katao dahil sa itinapong expired powder na ginagamit sa tela ng isang kompanya.

Ang naturang expired powder ay nakalagay sa 30 plastic drums saka itinapon sa nabanggit na dumpsite at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nabuksan ng mga nagkainteres kaya sumingaw ang nakalalasong kemikal na nagresulta rin sa pagkamatay ng mga alagang hayop. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments