Ayon sa PNP, ipinakalat nila ang larawan base sa direktiba ni PNP Chief P/Director General Leandro Mendoza sa lahat ng istasyon ng pulisya sa Central at Western Mindanao upang mapabilis ang pag-aresto sa kidnap gang leader.
Si Alonto ay may sukat na 56", medium built at kilala rin sa mga alyas na Conto Alonto, Cmdr. Ronnie, Kuya Allan.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagtugis kay Alonto.
Sa rekord ng PNP-Intelligence Group, nakilala ang Pentagon noong 2001 nang masangkot ito sa pagdukot sa Central at Western Mindanao partikular na sa mga Filipino-Chinese engineers at mga negosyante.
Sa taong 2001 pa lamang ay umabot na sa limang malalaking pagdukot ang naisagawa ng naturang grupo sa Central Mindanao na kinabibilangan nina Father Giuseppe Pierantoni noong Oktubre 17, 2001 sa Dimataling, Zamboanga del Sur, Zhang Zhong Qulang, isang Chinese engineer, Xue Xing, Wang Shen Zi at Zhang Zhong Yi na dinukot sa magkakahiwalay na insidente sa Cotabato at Maguindanao at ang rice trader na si Martina Lee Martin. (Joy Cantos)