Kinilala sa report ng Police Regional Office (PRO) 11 ang pinaslang na biktima na si Ester Manguirin.
Nakilala naman ang nasawi nitong tatlong anak na sina Dondon, Jimmy at Danny, pawang mga residente ng Barangay Poblacion, Malabog, Paquibato District, Davao Province.
Ang mga biktima ay nagtamo ng mga saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng mga ito. Halos maputol ang ilang mga bahagi ng katawan ng mga biktima dahil sa mga tinamong taga sa kanilang katawan.
Ang mga suspek ay kinilala na sina Roming Ronquero, isang construction worker at ang anak nitong si Bobong, mga residente din ng nasabing barangay. Lango sa droga ang dalawa nang maganap ang madugong pamamaslang.
Naganap ang pagpatay dakong alas-11:30 ng gabi noong Lunes habang nagkakasayahan ang mga biktima sa kanilang tahanan dahil ipinagdiriwang nga ng mga ito ang kaarawan ni Ester. Hindi naman nabanggit sa report kung may iba pang bisita ang mag-iina nang maganap ang krimen.
Nabatid na habang nagkakasayahan ang mga ito, biglang dumating ang mga suspek na armado ng mga jungle bolo at nagsimulang manggulo. Pilit na itinaboy ng mga biktima ang mag-ama ngunit mas lalong nagwala ang mga ito at pinagbabasag ang kanilang mga gamit.
Nang takutin ng mga biktima na tatawag na sila ng barangay tanod upang ipakulong sila ay walang awang pinagtataga ng mga suspek ang mag-iina at hindi tinigilan hanggang sa mamatay.
Mabilis na tumakas ang mag-ama dala ang mga itak na kanilang ginamit sa pagpaslang umano sa mag-iina patungo sa hindi pa malamang direksiyon. Hindi na nahabol pa ng mga rumespondeng awtoridad ang nagsitakas na mga suspek ngunit patuloy ang ginagawa nilang follow-up operation. (Joy Cantos)