Obrero nilamon ng makina

DASMARIÑAS, Cavite – Isang obrero sa pabrika ng kahon ang kumpirmadong namatay matapos na lamunin ng makina na kanyang pinaandar sa Brgy. Langkaan sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Ang katawan ng biktima na nagkaputol-putol ay nakilalang si Joel Mizon, may sapat na gulang, binata ng Block 27 Lot 3, Phase 7 Brgy. Paliparan ng bayang ito.

Si Mizon ay trabahador ng Malinta Corgated Boxes Manufacturing Corporation sa First Cavite Industrial Estate sa nabanggit na barangay.

Base sa ulat ng pulisya, pinaandar ng biktima ang makina na nilalagyan ng kahon at sa hindi inaasahang pagkakataon bandang alas-6:15 ng umaga ay biglang naipit ang kamay nito kasabay na nilamon ang katawan.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, nagawang ihinto ng mga kasamahan ang pag-andar ng makina subalit hindi na naagapan ang katawan ng biktima na pumasok sa naturang makina. (Mading Sarmiento)

Show comments