Nakipaglamay tinigok ng senglot

SAN JACINTO, Masbate Nauwi sa isang trahedya ang isang lamayan matapos na magwala ang isang senglot at mapatay nito ang kamag-anak ng nakaburol sa Brgy. Jagnaan sa bayan na ito kamakalawa ng madaling araw.

Nakilala ang biktimang si Andres Santonio Jr., 36, may asawa, magsasaka at residente ng naturang lugar.

Samantala, ang suspek na kaagad naman na tumakas matapos ang pamamaslang ay kinilalang si Salvador Dienla 40, may asawa, magsasaka at residente ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling araw ng maganap ang insidente.

Nakipag-inuman ang suspect sa iba pang nakikipaglamay ng malasing ito at lapitan ang biktima na nakaupo lamang sa isang sulok at walang babalang pinagsasaksak.

Namatay noon din ang biktima habang mabilis na tumakas ang suspect. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments