Police asset itinumba ng Pentagon

COTABATO CITY – Isang kilalang police asset na pinaniniwalaang responsable sa pagkakadakip ng ilang miyembro ng Pentagon kidnap-for-ransom gang ang napaulat na itinumba ng isang hindi kilalang armadong lalaki sa Bagua District sa lungsod na ito kamakalawa.

Ang biktimang si Nasser Abdul, 25, tubong Maguindanao ay kasalukuyang nakatayo sa harap ng tindahan at nagmamatyag sa pinagkukutaan ng ilang miyembro ng Pentagon nang lapitan ng isang hindi kilalang lalaki.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagpanggap na isang pedicab driver ang killer saka binaril sa ulo ang walang kamalay-malay na biktima.

Napag-alaman pa sa pulisya na si Abdul ay isa sa dalawampung civilian informers na nagboluntaryong tumulong sa lokal na pamahalaan at kapulisan na nagbibigay ng impormasyon sa modus operandi ng Pentagon at pinagkukutaan nito.

Magugugunitang si Abdul ay sumikat dahil sa pagkakadakip ng ilang notoryus na miyembro ng Pentagon na may operasyon sa nabanggit na lungsod. (Ulat ni John Unson)

Show comments