Mag-utol pinatay habang naghahapunan

AROROY, Masbate – Hindi na nakuhang tapusin maghapunan ng magkapatid na lalaki makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan sa kanilang bahay sa Barangay Cabangcalan sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Nakilala ng pulisya ang mag-utol na biktima na sina Eugenio, 59, at Danilo Apalla, 33, kapwa may asawa at magsasaka ng nabanggit na barangay.

Pinasok ng limang armadong kalalakihang naka-bonnet ang bahay ng magkapatid habang naghahapunan kasabay ang kasambahay dakong alas-7:30 ng gabi.

Unang pinagbabaril hanggang sa mapatay si Eugenio saka isinunod naman si Danilo ngunit walang magawa ang mga asawa ng mag-utol dahil sa takot na sila ang pagbalingan.

May teorya ang pulisya na may malaking atraso ang mag-utol laban sa mga killer at kasalukuyang inaalam ang motibo ng krimen. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments