9 barangay hawak ng NPA rebels

CAMP ALLEN, Baguio City – Kinumpirma kahapon ni AFP Northern Luzon Command Chief Major Gen. Rodolfo Garcia na may siyam na barangay sa lalawigan ng Aurora at Nueva Ecija ang kontrolado ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa kasalukuyan.

Sinabi pa ni Garcia na aabot sa 1,400 rebelde ang nagkukuta sa siyam na barangay kabilang na ang grupo ng Rebolusyunaryong Hukbong Bayan na may main base sa Central Luzon.

Ayon pa sa ulat ng militar, patuloy pa rin sa pangangalap ng revolutionary tax ng mga rebelde sa mga residente partikular na ang bagong modus operandi na kidnapping na ginaya sa mga bandidong Abu Sayyaf at ang pagtatanim ng marijuana upang makalikom ng pondo sa kanilang kilusan.

Idinagdag pa ni Garcia na ang pagtatanim ng marijuana sa mga nadiskubreng plantasyon sa Kibungan, Benguet ang pinakamalaking operasyon ng mga rebelde dahil sa malaki ang nakukuhang pondo mula sa pinagbilhan ng mga ipinagbabawal na halaman.

Kasunod nito, binalewala naman ni Garcia ang kumakalat na balita na patuloy na lumalakas ang puwersa ng NPA rebels sa bansa.

"Mahigpit ang isinasagawang koordinasyon ng tropa ng militar, lokal na pamahalaan at ilang ahensya na masugpo ang kahirapan upang hindi mahikayat ang mga residente na sumapi sa grupo ng rebelde", dagdag pa ni Garcia. (Ulat ni Artemio Dumlao)

Show comments