Pusher na sundalo patay sa barilan vs pulis

KORONADAL, South Cotabato – Maagang humarap kay kamatayan ang isang sundalo na pinaniniwalaang nagpapakalat ng shabu sa kanilang lugar makaraang makipagbarilan sa mga ahente ang PNP Provincial Anti-Illegal Drug Task Force sa isinagawang pagsalakay sa Purok Bagong Pag-asa, Navarro Subd. sa bayang ito kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang nasawing sundalo na si Corporal Tony Mongkas na nakatalaga sa 64th Infantry Battalion ng Phil. Army sa Maguindanao, samantala dinakip naman ang asawa ni Mongkas na si Norial Dasil.

Sa ulat ni P/Sr. Supt. Romeo Rufino, South Cotabato PNP provincial director, naisagawa ang raid matapos ipalabas ang search warrant ni Koronadal MTC Judge Agustin Sardido at nakumpiska sa mag-asawang tulak ang walong plastic sachet ng shabu (3.5 grams), mga baril at bala. (Ulat ni Boyet Jubelag)

Show comments