Lola hinalay, pinatay ng manugang na adik

CAMP OLIVAS, Pampanga – Karumal-dumal na krimen ang sinapit ng isang 69-anyos na lola makaraang halayin at patayin sa sakal ng kanyang manugang na adik sa droga bago itapon sa palayan kamakalawa ng hapon sa Brgy. Torres, Dinalupihan, Bataan.

Kinilala ni P/Sr. Insp. Rommel Velasco, hepe ng Dinalupihan PNP ang biktimang si Virginita Calasu ng Brgy. Tabing-Ilog, Dinalupihan, Bataan, samantala, ang suspek na ngayon ay nakapiit sa Dinalupihan detention cell ay kinilalang si Ruben Manabat, 37 na pinaniniwalaang lango sa droga nang isagawa ang krimen.

Sa isinumiteng ulat kay Bataan PNP Provincial Director P/Supt. Perfecto Palad, kasalukuyang nagbakasyon ang biktima sa bahay ng anak na babae na asawa naman ng suspek.

Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, dumating ang suspek at inabutang nag-iisang natutulog ang biktima sa loob ng kuwarto ng anak.

Tinabihan umano ng suspek ang biktima sa kama saka pinaghihimas ang maselang bahagi ng katawan kaya nagising ang matanda.

Mabilis naman sinuntok sa mukha ng suspek ang biktima kaya nawalan ng malay-tao.

Naisagawa ang maitim na balak ng suspek saka sinakal hanggang sa mamatay at itinapon sa palayan upang ilihim ang krimen.

Subalit ilang kapitbahay ang nakasaksi at ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang pangyayari kaya nadakip ang suspek. (Ulat ni Erickson Lovino)

Show comments