Sa panayam kay P/Sr. Supt. Bartolome Maluyot, Central Mindanao police director na hawak na nila ang itinuturing na asset ng MILF rebels na si Abu Bandan na pinalalagay na sangkot sa pagdukot kina Jae Kae Keon Yoon, Korean national at Carlos Belonio, may-ari ng Tierra Verde Hotel sa General Santos City.
Si Bandan, 36, ay dinakip ng pinagsanib na puwersa ng 25th Army Special Forces Battalion at Sultan Kudarat PNP sa kanyang bahay sa Sitio Sepe, Brgy. Malisbong, Palimbang.
Napag-alaman pa sa ulat ng militar na si Bandan ang naghatid sa dalawang biktima kasama ang security escort na si Edgar Enriquez sa bahay ni Kumander Tigre Jakiri ng MILF sa Brgy. Badiangon, Palimbang upang bumili ng mga baterya ng nickel babbit.
Pinangakuan pa ni Kumander Jakiri ang mga biktima na pagbibilhan ng mga nickel babbit kapag nakuha na sa isang bunker ng mga dating sundalong Hapones noong nakaraang World War II.
Ayon sa ilang source, si Yoon ay may hawak ng ilang mapa na pinagtataguan ng kayamanan ng mga sundalong Hapones.
Sinabi naman ni Palimbang Mayor Labualas "Samroud" Mamansual na nagkasundo naman ang mga biktima at grupo ni Kumander Jakiri sa naturang isyu at kaagad namang lumisan ang dalawa sakay ng kanilang Nissan Pathfinder.
Hinarang naman ng mga kidnapper ang sasakyan ng mga biktima sa nabanggit na lugar ngunit pinalaya naman ang security escort na si Edgar Enriquez at isang babae na hindi nabatid ang pangalan upang maipagbigay-alam ang pangyayari sa militar. (Ulat nina Boyet Jubelag at Joy Cantos)