3 tulak, tiklo sa 34 kilong marijuana

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tatlo katao na pinaniniwalaang nagpapakalat ng droga sa Cavite at Laguna ang nadakip ng mga ahente ng 4th Regional Narcotics Group makaraang makumpiskahan ng 34 kilong pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang magkahiwalay na drug bust operation sa Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na drug pusher na sina Teresa Banao, alyas Lignay, 35, ng Brgy. Bugnay, Tinglayan, Kalinga; Wesley Bulaoy, 23, ng Brgy. Piko, Benguet at Alex Ah-Un, alyas Alex, 23, ng Brgy. Taji, Kasibu, Nueva Viscaya.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang maleta at isang kahong naglalaman ng 34 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P.1 milyon.

Base sa isinumiteng ulat kay P/Sr. Supt. Delfin Genio, si Banao ang itinuturing na lider at ang tatlo ay miyembro ng Kalinga-Calabarzon connection na nagpapakalat ng droga sa Region 4 partikular na sa Cavite at Laguna.

Unang nadakip at nakumpiskahan ng 20 kilong marijuana na may halagang P60,000 na nakalagay sa dalawang maleta mula kina Banao at Bulaoy sa isinagawang drug bust sa harap ng Walter Mart Deparment Store sa kahabaan ng Aguinaldo Highway.

Sumunod na nalambat si Alex bandang alas-2 ng hapon habang nagde-deliver ng 14 kilong marijuana na nagkakahalaga ng P42, 000 sa harap ng Andok’s Lechon sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Pala-Pala, Dasmariñas, Cavite sa isang pulis na ang nagpanggap na poseur buyer. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments