2 lady executives kinidnap sa Bulacan

MALOLOS, Bulacan – Dalawang lady executive ng isang supermarket ang kumpirmadong kinidnap ng anim na hindi kilalang armadong kalalakihan makaraang harangin ang sinasakyang kotse ng mga biktima habang bumabagtas sa kahabaan ng MacArthur Highway na sakop ng Brgy. Bulihan, Malolos, Bulacan noong Lunes ng hapon.

Sa isinumiteng ulat ni P/Sr. Supt. Edgar Acuña, Bulacan police director kay P/Chief Supt. Reynaldo Berroya, Central Luzon police director, sina Bunny Barrera, 28 at kapatid nitong si Carla, 26, na kapwa junior executive managers ng South Supermarket na matatagpuan sa Brgy. Bulihan, Malolos, Bulacan ay kinidnap bandang alas-5:30 ng hapon.

Nabatid na ang magkapatid ay kamag-anak ni Atty. Felipe Gozon, Chairman at Chief Executive Officer ng GMA-7 Network, Inc.

Sa ulat ng pulisya, ang mag-utol ay kalalabas pa lamang ng pinapasukang supermarket at sumakay ng Mazda van (TDN-140) na minamaneho ng isang Danny Balbas ngunit ilang metro pa lamang nakakalayo ay hinarangan na sila ng isang Hi-Lander (USL-703).

Kaagad na bumaba ang dalawang suspek saka nagpaputok sa ere bago tinutukan ang driver at ang mag-utol.

Sa ulat ni Acuña, isa sa mag-utol ang kinaladkad sa naghihintay na sasakyan at ang isa naman ay sinuntok sa sikmura ng ito ay pumalag na sumakay sa Hi-Lander.

Kinuha ang susi ng kotse kay Balbas bago iniwan siyang mag-isa at tumakas ang mga kidnappers patungong Calumpit, Bulacan.

Kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan ang pulisya sa pamunuan ng nabanggit na supermarket. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments