206 pamilyang magsasaka binigyan ng 300 ektaryang lupa ni GMA

Umaabot sa 206 pamilyang magsasaka ang nabiyayaan ng 300 ektaryang lupang sakahan ng Pamahalaang Arroyo sa ilalim ng ipinatutupad na Comprehensive Agrarian Reform Program ng Department of Agrarian Reform (CARP-DAR).

Hiniling ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga nabigyan ng lupa na pagyamanin ang mga lupang naibigay sa kanila na kinapapalooban ng 93 certificate of land ownership awards na matatagpuan sa Naval, Biliran, Cabilitan, Almeria at Culaba sa Eastern Visayas.

Ginanap ang pagbibigay ng lupang sakahin sa bayan ng Naval, kasunod na binuo ng DAR ang ‘Bayan-Anihan Program’ para sa rural development upang maipatupad ang pamamahagi ng lupa sa mga CARP beneficiaries.

Sa ginawang pahayag ni DAR Sec. Nani Braganza na naglaan naman ang Japan Bank of International Cooperation (JBIC) ng halagang P6.84 milyon pondo para sa construction ng Poblacion-Canilla farm-to-market road at halagang P1.18 milyon pondo para sa construction ng Pinagumhan communal irrigation project. (Ulat ni Angie Dela Cruz)

Show comments