Kinilala ni P/Supt. Romeo Mapalo, hepe ng pulisya sa lungsod na ito ang biktima na si Arthur Meliton San Jose, 47, may asawa, tubong San Jose, Camarines Sur at residente ng Visayas Avenue, Balara, Quezon City.
Si San Jose ay asawa ni Atty. Dalisay Ople San Jose na tumatayong chief of staff at anak ni Sen. Ople sa kasalukuyan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, si San Jose ay nag-check-in sa naturang hotel room 413 noong Enero 22 dakong alas-8:25 ng gabi at ginamit ang pangalang Jules Martinez.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, narinig pa ng ilang room boy na pasigaw na may kausap sa cellphone ang biktima subalit sa pagsusuri ng pulisya ay nawawala ang ginamit na cellphone makaraang matagpuan ang bangkay na nakatali pa ang mga kamay ng electrical wire sa loob ng kubeta.
May teorya ang pulisya na kakilala ng biktima ang killer kaya tinuluyan ito sa hindi pa mabatid na dahilan.
Kasunod nito, hiniling naman kahapon ni Senator Blas Ople kay PNP Chief Director-General Leandro Mendoza na magsagawa ng malalim na pagsisiyasat sa naganap na krimen. (Ulat nina Ed Casulla at Rudy Andal)