Sikyu nag-amok, 2 todas

ROSARIO, Batangas – Nag-ala-Rambo ang isang security guard matapos nitong pagbabarilin ang dalawang kasamahan sa trabaho dahil sa pagkapahiya nito nang mahuli siya ng mga ito na nakikipaghalikan sa kanyang nobyang lady guard sa guard house kamakalawa ng hapon sa bayang ito.

Dead-on-the spot sina Martin Domingo, 50, tubong Ilocos Norte at Noel Briton, 28, pawang empleyado ng Puyat Farm at residente ng Brgy. Masayab.

Nakilala naman ang suspek na si Rommel Alegate, 24, tubong New Casalagon Port, Negros Occidental at miyembro ng AFSLAI Security Agency at nakatalaga din sa Puyat Farm na matatagpuan sa Brgy. Sta. Cruz.

Ayon sa report, dakong alas-5 ng hapon ay nagalit umano ang suspek matapos itong mabitin sa pakikipaghalikan nito sa nobyang lady guard nang mahuli ng mga biktima na naghahalikan sa guard house ng nasabing farm.

Sa sobrang galit at pagkapahiya ay agad nitong pinaputukan ang dalawa ng kanyang 12 gauge shot gun.

Nabutas ang katawan ng dalawang biktima na agad nilang ikinamatay at agad namang tumakas ang suspek kasama ang kanyang nobyang lady guard. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments