Swiss national nadale ng Ativan gang

TAGAYTAY CITY, Cavite – Isang 23-anyos na Swiss national ang iniulat na natagpuang walang-malay makaraang mabiktima ng ativan gang at pagnakawan sa Brgy. Tolentino West ng lungsod na ito kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Estefan Reimon, binata at residente ng Valle Verde, Pasig City, samantala, ang dalawang hindi nakilalang mandurugas na kapwa miyembro ng kilabot na ‘ativan gang’ na nagtatago sa hindi binanggit na lugar.

Napag-alaman sa ulat na isinumite ni SPO2 Leonardo Mojica kay P/Chief Insp. Sheldon Jacaban, hepe ng pulisya na nilapitan ng mga suspek ang bikitma upang ipa-translate sa English ang hawak nilang sulat na Aleman.

Kaagad naman pinaunlakan ng biktima ang pakiusap ng mga suspek hanggang sa yayain ito sa nakaparadang kotse upang umupo at ipagpatuloy ang pagsusulat.

Binigyan pa ng soda ang biktima subalit lingid sa kaalaman nito ay nilagyan ng pampatulog hanggang sa mawalan ito ng malay saka pinagnakawan ng pera at iba’t ibang gamit sa katawan. (Ulat ni Cristina-Go Timbang)

Show comments