Sa inisyal na ulat ng pulisya, nakilala ang mga nasawi na sina Mabitac, Laguna Mayor Bernardo Sayarot, 48 at driver niyang si Gabriel Fuentes.
Sakay ang dalawa ng isang Mitsubishi L-300 van dakong alas-2:45 ng hapon at binabagtas ang kahabaan ng provincial road sa may Brgy. Bagong Bayan, Teresa at nang dumating sa harapan ng office of Department of Agrarian Reform ay niratratan ng bala mula sa malalakas na kalibre ng baril ng mga suspek.
Ayon sa mga saksi, matapos ang walang habas na pamamaril, kaswal na naglakad lamang palayo ang mga suspek.
Agad na rumesponde naman sa naturang lugar ang mga miyembro ng Teresa police at nagkaroon ng habulan. Dito naman tinamaan ng bala at namatay rin ang ikatlong biktima na si SPO2 Eduardo Cinia.
Dalawa naman sa mga suspek na itinago ang mga pagkakakilanlan ang naaresto sa naturang pursuit operation. Narekober sa kanila ang isang M14 carbine rifle at isang M79 rifle.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Rizal Provincial Police Headquarters ang dalawang suspek para sa tactical interrogation.
May teorya ang pulisya na malaki umano ang posibilidad na politically motivated ang naturang ambus. Maaari rin umanong dahil ito sa negosyo kung saan merong import-export business ang naturang alkalde. (Ulat ni Danilo Garcia)