Hindi nagbayad ng utang binoga sa mukha

GEN. TRIAS, Cavite – Nang dahil sa hindi pagbabayad ng utang isang 47-anyos na magsasaka ang pinagbabaril sa mukha at ulo hanggang sa mapatay ng kapwa nito magsasaka sa Brgy. Navarro ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Antonio Alleges, may asawa at residente ng Felix Morato St. Brgy. Navarro ng bayang ito.

Samantalang ang suspek na mabilis na tumakas ay nakilalang si Jaime Clarete ng Brgy. Manggahan Pasong Camachile ng bayan ding ito.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Fortunato Pedrasa, dakong alas-5:30 ng umaga kahapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng tama ng bala sa mukha at ulo.

Nabatid na dakong alas-7 ng gabi ay nagkaroon ng di pagkakaunawaan ang biktima at suspek ukol umano sa hindi pagbabayad ng una ng utang nito sa suspek na humigit ng tatlong buwan. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments