Sa sketchy report na nakarating sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Leandro Mendoza, dakong alas-8:45 ng gabi ng maganap ang insidente.
Napag-alaman na pawang dead-on-the-spot sa naturang trahedya ang labimpitong katao na karamihan ay bata habang ang iba naman ay namatay sa ospital nang halos magkadurug-durog ang mga katawan sa lakas ng pagkakabundol ng pampasaherong bus sa apat na kabahayan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, bigla na lamang umanong sinalpok ng humahagibis na LCI aircon passenger bus na may plakang LWD 208 na minamaneho ni Ulysses Geralde ang apat na kabahayan sa tabi ng national highway ng Brgy. 2, Buenavista ng nasabing lalawigan.
Ang nasabing bus ay patungong Butuan City nang bigla na lamang itong pumihit pakaliwa na pinaniniwalaang nasiraan ng preno at bumundol sa mga nasabing bahay.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Restituto Bonachita; Herminia Bonachita; John Rey Bonachita, 2; Chita Monkaya Bonachita; Juanito Bonachita; Mary Ann Bonachita, 32; Leon Jomar Bonachita, 9; Rommel Castillo, 5; Leonardo Delicano, 21; Rogelio Cloribel, 29; Aida Daquiril, 25; Nilo Aboc, 31; Concordio Lande, 34; Marcelino Landiga; Gregoria Bonachita, 72; Resmir John Bonachita; Mark John Bonachita, 5; Aurlia Castillo; Maura Castillo; Edgardo Delicano, 45; Alvin Delicano, 19; Lucito Tundag 24 at isa pang di nakilala ang pangalan.
Boluntaryo namang sumuko ang driver ng bus sa Butuan City Police ilang oras matapos ang malagim na sakuna. (Ulat ni Joy Cantos)