36 MILF, 8 sundalo todas sa bakbakan

Umaabot na sa 36 miyembro ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at walong sundalo ang kumpirmadong nasawi sa serye ng sunud-sunod na mainitang bakbakang muling sumiklab sa pagitan ng mga elemento ng Philippine Army at ng separatistang grupo sa Buldon, Maguindanao.

Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Jose Mabanta Jr., nagsimula ang sagupaan noong Setyembre 27 at tumagal hanggang kamakalawa.

Unang nagkasagupa ang mga tauhan ng Army’s 3rd Infantry Battalion (IB) at ang tinatayang may isang daang miyembro ng MILF sa Sulan Base Barangay Manibay Buldon Maguindanao noong Setyembre 27 dakong alas-i8:50 ng umaga.

Nabatid pa kay Mabanta na pumasok umano ang mga rebeldeng Muslim sa itinakdang military lines ng tropa ng militar kung saan pumuwesto ang mga ito sa isang ambush position.

Makaraan ang ilang oras na engkuwentro, tatlong sundalo ang napaulat na nasawi habang di pa batid ang bilang ng sugatan o namatay sa panig ng mga rebeldeng MILF.

Nang sumunod na araw, karagdagang limang bangkay pa ng mga sundalo ang narekober ng militar sa nasabing lugar.

Bunga na rin ng pamamalagi ng mga armadong rebelde sa nasabing lugar, nagsagawa ng isang malawakang opensiba ang pinagsanib na tropa ng 3rd at 64th Infantry Battalion sa ilalim ng Army’s 603rd Brigade na gumamit ng dalawang MG 520 attack helicopters at dalawang OV 10 bombers na siyang nagsagawa ng sunud-sunod na air attack sa puwestong kinaroroonan ng grupo ng MILF rebels.

Idinagdag pa ni Mabanta na umabot sa tatlongput anim ang nasawi sa panig ng mga MILF habang hindi pa madetermina ang bilang ng mga sugatan sa panig ng separatistang grupo.

Ang mga nasawi ay kinumpirma naman ng mga Muslim at lokal leaders subalit di pa nakukuha ang pangalan ng mga ito.

Nabuwag din ng Army ang assembly point ng mga rebelde sa Barangay Minabay habang patuloy pa ang clearing operations sa mga kalapit na lugar upang matiyak na wala ng MILF na nagtatago dito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments