Mga preso sa Davao Penal Colony ginagawang magsasaka

Natuklasan sa isang budget hearing sa Kongreso na ginagawang magsasaka ang mga bilanggo sa isang penal colony sa Davao City.

Ayon kay House Minority Leader Carlos Padilla, isang resolusyon ang kanyang ihahain upang imbestigahan kung napupunta sa mga bilanggo ang kinikita nilang P3,500 bawat isa bilang trabahador ng isang pribadong banana plantation sa Davao City.

Sinabi ni Padilla na ang 5,000 lupain ng Davao Prison and Penal Farm ay pinauupahan lamang sa TADECO sa halagang P7.5 milyon kada taon o P1,500 bawat ektarya para sa isang taon.

Ang kuwesyonableng kontrata ay natuklasan sa isinagawang budget hearing ng ahensiya sa House Committee on Appropriations na dinaluhan ni BUCOR Director Ricardo Macalla.

Sa nasabing hearing, hindi maipaliwanag ni Maccalla kung bakit pinapaupahan ang 5,000 ektarya sa murang halaga lamang na isang malaking pagkalugi sa panig ng pamahalaan.

Ayon pa kay Padilla na hindi naman direktang ibinabayad ang P3,500 kada buwan sa isang bilanggo kundi dumadaan ito sa kamay ng mga opisyal ng BUCOR. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments