Ang bangkay ng biktimang kinilalang si Talaingod ex-mayor Jose Libayao ay natagpuang nakabulagta at nakahambalang sa gitna ng kalsada sa Brgy. Sto. Niño, Talaingod ng nasabing lalawigan.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan maliban sa pangingitim ng ilang bahagi ng katawan nito na isang indikasyon na tinorture muna ito bago tuluyang pinatay ng mga rebelde.
Batay sa ulat na natanggap kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Leandro Mendoza, dakong alas-2:30 ng hapon habang ang biktima at ilang residente ng Sitio Cabadiangan sa Brgy. Sto. Niño ay nakikipagpulong sa mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Asian Development Bank at ng mga lokal na opisyal ng Talaingod nang maganap ang insidente.
Napag-alaman na ang naturang mga lokal na opisyal ay nagsasagawa ng pag-iinspeksiyon at pakikipagdiyalogo sa mga katutubong naninirahan sa bulubunduking mga lugar sa bayan ng Talaingod nang biglang sumulpot ang mga armadong rebelde.
Ang mga rebelde ay pinamumunuan ni Commander Benjack, ang grupo ng mga rebeldeng NPA na nag-ooperate sa nasabing lalawigan.
Kaagad umanong tinutukan ng mga rebelde ng baril ang biktima habang pinaligiran ang mga nagsisipagpulong dito. Ang biktima ay tinangay ng mga rebelde sa kanilang pagtakas patungo sa masukal na kakahuyan.
Makalipas lamang ang kulang-kulang isang oras ay natagpuang bangkay ang biktima na inabandona sa gitna ng kalsada ng mga nagsitakas na rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)