Ito ang inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Spokesman, Chief Supt. Cresencio Maralit base sa report ni Malabang, Lanao del Sur Police Chief, Inspector Randall-Iyon Bueno.
Kinilala ni Maralit ang naarestong suspek na si Abdul Samad Ibrahim, driver ng get-away vehicle na ginamit sa bigong pagtatangkang dukutin si Fr. Halley na nauwi sa pagpaslang sa dayuhang pari na naganap noong Martes ng hapon sa Malabang, Lanao del Sur.
Sinabi ni Maralit na si Ibrahim ay nasakote dakong 5:45 ng hapon matapos silang maglunsad ng operasyon laban sa grupo ng nasabing anak ni Sairip Daing, alyas Commander Sumagayan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Upper Ilijan.
Inamin ni Ibrahim na ang anak na lalaki ni MILF Commander Sumagayan na si Akto Daing ang namuno sa planong pagdukot kay Fr. Halley.
Ang nasabing notoryus na si Akto rin umano ang siyang bumaril ng limang beses kay Fr. Halley matapos na mairitang masipa ito nang nagpupumiglas na dayuhang pari hanggang sa makatakbo.
Maliban kay Akto, ikinanta rin ng suspek ang iba pa sa kaniyang mga kasamahang kidnappers na isang alyas Ali, Dimasangkay at tatlong iba pa na di natukoy ang pagkakakilanlan.
Nabatid pa na ang itinuturong gunman ay pamangkin ni dating Vice Mayor Hadji Umar Masandang na natalo nitong nakalipas na May elections sa nasabing lugar. (Ulat ni Joy Cantos)