Napag-alaman sa ulat ng Southern Command at PNP headquarters ng Basilan na si Sabaya, ayon sa mga residente ay nagpanggap na babae dahil ito ay nagsuot ng Turong (head scarf) at Juba (Muslim dress) na kulay itim kaya nakalusot sa isinagawang military dragnet.
Ayon pa sa ulat ng militar, malayang nakasakay ng barko si Sabaya sa Zamboanga City patungong Davao City upang makipagkita sa isang malapit na kamag-anak na negosyante.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang napaulat na balita na si Sabaya ay wala na sa Basilan dahil sa nakalusot ito sa military cordon.
May napapabalitang palalayain na rin ng Sayyaf ang dalawang bihag mula sa Dos Palmas resort, Palawan na sina Maria Fe Rosadeno at Angie Montealegre anumang araw sa linggong ito.
Kasunod nito, inamin ni Southern Command spokesperson Col. Danilo Servando na may intelligence networking lapses ang PNP at militar na nagsasagawa ng operasyon sa Basilan kaya nakatakas si Sabaya. (Ulat ni Rose Tamayo)