Cavite PNP alerto sa Independence day

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Naka-alerto ngayon ang buong puwersa ng kapulisan sa lalawigan ng Cavite partikular sa bayan ng Kawit dahil sa pagdiriwang ng ika-103 taong "Araw ng Kalayaan" na gaganapin sa bahay ni dating Heneral Emilio Aguinaldo sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang puntod at pagtataas ng bandila ng bansa.

Ang nasabing okasyon ay pangungunahan ni Vice President at Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona Jr. kasama ang mga alkalde, kongresista at ang mga opisyal mula sa ibat ibang bayan ng lokal na pamahalaan.

Sisimulan ang pagdiriwang ng "Araw ng Kalayaan" dakong alas-6:30 at kakatawanin ni Cavite Vice Governor Juanito Victor Remulla si incumbent Governor Ramon "Bong" Revilla Jr. na ngayon ay nagbabaksyon sa Amerika.

Sa kauna-unahang pagkakataon ibinalik sa dating tradisyon na ang vice president ang siyang magtataas ng bandila ng bansa mula sa balkunahe ng bahay ni Aguinaldo dahil noong panahon ni dating President Fidel V. Ramos ang siyang inatasang magtaas ng watawat.

Nabatid na si dating Vice President Salvador Laurel ang kahuli-hulihang opisyal ng bansa ang nagtaas ng watawat ng Pilipinas noong 1992. (Ulat nina Mading Sarmiento/Cristina Go-Timbang)

Show comments