1,000 kilo na shabu nasamsam: 9 Chinese national, isa pa tiklo

Humigit-kumulang sa 1,000 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang raid sa hinihinalang laboratoryo ng droga sa Lipa City kahapon ng umaga.

Kaugnay nito, sampu katao, kabilang ang siyam na Chinese nationals na hinihinalang miyembro ng isang bigtime international drug syndicate at isang Pinoy ang dinakip ng magkasanib na puwersa ng Batangas PNP at PNP Criminal Investigation and Detection Group sa isinagawang operasyon.

Base sa ulat, sinalakay ng mga awtoridad ang isang warehouse na sinasabing laboratoryo ng shabu na matatagpuan sa Barangay Sto. Niño, Lipa City na umano’y malapit sa bahay ni Lipa City Mayor Vilma Santos.

Lumalabas sa rekord, na ito ang pinakamalaking bilang ng shabu na narerekober ng pulisya simula nang maupo si PNP Chief Director General Leandro Mendoza.

Gayunman, bineberipika pa ng mga awtoridad ang pangalan ng mga nadakip na dayuhan na hinihinalang miyembro ng bigtime Hong Kong Triad Group.

Maliban sa siyam na Chinese nationals ay dinampot din si Benjamin Marcelo ang may-ari ng 20x 20 metrong lote na kinatatayuan ng sinalakay na laboratoryo.

Nabatid na ang mga suspect ay naaktuhan habang nagre-repack ng shabu dakong alas-6 ng umaga.

Sa intelligence report na nakalap ng PNP, ang mga nakumpiskang droga ay bahagi ng mga ipinakalat na shabu ng sindikato sa buong Southern Tagalog Region, habang galing pa umano sa Xiamen, China ang mga kemikal na ginagamit sa paggawa nito. (Ulat nina Joy Cantos, Arnell Ozaeta at Rudy Andal)

Show comments