Welder nasabugan ng granada, patay

KALIBO, Aklan – Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang lasenggerong welder matapos na ito ay masabugan ng sariling granada, kamakalawa ng gabi sa Sitio Baybay, Barangay Andagao, Kalibo.

Nakilala ang nasawi na si Celso Parnaes.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, si Parnaes umano ay lasing na nakipag-suntukan sa grupo ni Wilhelm Villanueva na kanyang kapitbahay.

Pakiramdam ng nasawi ay naagrabyado siya sa suntukan kung kaya mabilis itong umuwi sa kanyang tree house at doon kinuha ang itinatagong granada.

Muli nitong binalikan ang kanyang nakaaway at akma na nitong ihahagis ang granada sa bahay ni Villanueva, subalit nang makita nitong maraming bata sa bahay na posibleng madamay ay nagpasya itong umuwi na lang sa kanyang bahay at hintayin na lamang ang paglabas ng kanyang nakaaway.

Ilang sandali pa ay natanawan nito buhat sa kanyang tree house ang paglabas ni Villanueva at nang akma nang ihahagis ang granada ay sumabit ito sa isang matigas na bagay sa kanyang bahay at doon pumutok.

Ilang sandali pa ay nakita ang nagkalasog-lasog na katawan ng biktima sa sarili niyang granada. (Ulat ni Jun Aguirre)

Show comments