Mayoralty bet, 5 supporters todas sa ambush

Isa pang mayoralty candidate sa ilalim ng partido ng ruling Lakas-NUCD People’s Power Coalition (PPC) at lima pa nitong supporters ang iniulat na napaslang, habang apat pa ang grabeng nasugatan kabilang ang isang kandidatong bise-alkalde makaraang ambusin ng mga pinaghihinalaang rebeldeng NPA matapos ang isinagawang political rally sa Canlaon City, Negros Oriental, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawing mayoralty candidate na si incumbent Canlaon City Vice-mayor Jose Cardinas. Ang biktima ay natadtad ng tama ng bala ng baril sa ibat-ibang bahagi ng katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Apat pa lamang sa lima pang nasawi na sinasabing mga civilian supporter ni Cardinas ang nakikilala . Ito ay sina Hospicio Condes Jr.; Calvin Nire; Ricardo Oca at Telesforo Fajardo.

Samantalang ang apat na sugatan ay nakilala namang sina Jimmy Clerigo, kandidatong vice-mayor; Jessica Cardinas, kandidatong konsehal; Nick Malones at Ramil Salazar.

Batay sa ulat na natanggap kahapon ng Camp Crame, naganap ang panibagong insidente ng karahasan dakong alas-4:30 ng hapon sa Sitio Pinamintigan, Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental.

Napag-alaman na kagagaling lamang ng mga biktima sa gitnang bahagi ng lunsod matapos magsagawa ng political rally nang abangan at paulanan ng punglo ng tinatayang 12 armadong rebeldeng komunista.

Matapos ang pananambang ay isang jeepney na kinalululanan ng mga raliyista ang kinomander ng mga suspect at ginamit sa kanilang pagtakas.

Lumilitaw sa paunang imbestigasyon ng pulisya na ang kabiguang magbayad ng campaign access fee ng tatlong kandidato ang pangunahing motibo sa pananambang.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso habang isang hot pursuit operations rin ang inilunsad ng pulisya laban sa mga suspect. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments