Nilinaw ni Brig. Gen. Romeo Dominguez, commander ng binuong Joint Task Force (JTF) Comet na siyang naatasang dumurog sa ASG na ang biktimang kinilalang si Nucom Undali, 32, ay dinukot upang gawing asawa ng isa sa mga opisyal ng naturang grupo.
"Hindi ito isang kaso ng kidnap-for-ransom, nasa culture na kasi ng mga Muslim bandits na kapag may nagugustuhang dalaga ay dinudukot upang hindi na makawala pa at ganito ang nangyari kay Undali", pahayag ni Dominguez .
Ayon kay Dominguez, nagpakasal na si Undali sa isa sa mga opisyal ng ASG upang ibangon ang kanyang karangalan.
Ang pagpapakasal ng biktima sa hindi binanggit na pangalan ng kilalang opisyal ng ASG ay isinagawa ng isang Muslim Iman matapos na tanggapin ng pamilya nito ang malaking halaga ng dowry na ibinayad ng kanyang napangasawa.
Magugunita na si Undali ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan habang namamalengke sa Jolo, Sulu at tinangay sa kagubatan ng Talipao noong nakalipas na linggo.
Imbes na manghingi ng ransom ang mga bandido ay sila pa ang nagbigay ng dowry sa pamilya ng kanilang dinukot. (Ulat ni Joy Cantos )