Police station sinalakay ng NPA: 2 rebelde natodas

GAINZA, CAMARINES SUR – Sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang police station dito, kahapon ng tanghali.

Gayunman, hindi nasiraan ng loob ang mga nakaalertong tauhan ng pulisya na agad na nakipagpalitan ng putok ng baril sa mga rebelde. Dalawa sa mga rebelde ang nasawi.

Sa ulat na nakarating kay Supt. Ireneo Manaois, operation chief ng Regional Police 5 na dakong alas-12 ng tanghali ng salakayin ng may 60 mga rebeldeng NPA ang naturang police station na nasa Barangay Poblacion ng nabanggit na lugar.

Agad na namataan ng anim na pulis na nakatalaga sa naturang istasyon ang pagdating ng mga rebelde at agad silang pumosisyon at nakipaglaban sa mga rebelde.

Wala namang nasawi o nasugatan sa panig ng kapulisan.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Chief Supt. Robert Delfin, bagong talagang Bicol police regional director sa kanyang mga tauhan na maging alerto at magtatag ng mga checkpoints kaugnay sa mga kaganapan sa naturang lugar.

Ito ay may kinalaman din sa intelligence report na may mga balaking panggugulo ang mga rebelde sa naturang lugar lalo pa nga’t malapit na ang halalan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments