Navy na tumulong sa hinoldap na taxi driver, grabe

SILANG, Cavite – Nasa kritikal na kalagayan sa pagamutan ang isang miyembro ng Philippine Navy matapos na ito ay pagbabarilin ng tatlong kalalakihan nang maasar ang mga ito sa ginawang pagtulong nito sa taxi driver na tinangayan ng taxi kamakalawa ng hapon sa Bgy. Litlit ng bayang ito.

Ang biktima ay nakilalang si PN1 Hernante Layogan, 26 at nakatalaga sa Fort Bonifacio, Makati City na kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan sa La Salle Medical Center bunga ng labindalawang tama ng bala sa katawan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya na dakong alas 4:00 ng hapon ay sakay ang tatlong suspek sa taxi ng isang Edgar Edma ng ito ay parahin sa nasabing barangay.

Nagpahayag ng holdap ang mga suspek at pinababa nila si Edma at pagkatapos ay tinangay ang taxi nito.

Agad na humingi ng tulong si Edma sa biktima na nagkataong dumadaan sa lugar na iyon.

Hinabol ng biktima ang mga suspek at ng malapit nang maabutan ay dito na ito pinaulanan ng bala ang una. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments