Kinilala ni Lt. Col. Danilo Servando, spokesman ng Southern Command ang nasawing manggagamot na si Dr. Pilardo Perez, government physician, samantalang ang dinukot namang village chief ay nakilalang si Buvinto Melinto ng Maloong, Lamitan.
Binanggit pa ni Col. Servando na si Dr. Perez ay nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo at namatay noon din.
Samantala, isa pang kasamahan ng mga biktima ang sugatang nakatakas sa kamay ng mga suspect, ito ay nakilalang si Jaime Ramos.
Sinabi naman ni Mayor Inocente Ramos ng bayan ng Lamitan na ang mga biktima ay lulan ng isang Pajero patungo sa town proper ng Lamitan ng harangin ng anim na suspect sakay ng isang Tamaraw FX dakong alas- 7 ng gabi noong nakalipas na Linggo.
Ilan sa mga suspect ang nagkomander sa sasakyan ng mga biktima at dinala ang mga ito sa Tandung Ahas Beach at doon inihayag na hostage nila ang mga biktima.
Pumalag umano si Dr. Perez dahilan naman upang agad itong barilin sa ulo ng isa sa mga suspect. Namatay noon din ang doktor.
Sinamantala naman ni Ramos ang komosyon at nakuha nitong makatakas kasama ang isa pang babae.
Si Melinto ay tuluyang dinala ng mga suspect sa Barangay Ulami ng nabanggit ding bayan.
Habang sinusulat ang balitang ito, sinabi ni Mayor Ramos na wala pa silang natatanggap na anumang demands buhat sa mga suspect.
Gayunman, binanggit sa isang intelligence report na ang grupo ng ASG sa pangunguna nila Isnilon Hapilon at Khadafy Janjalani ay nagbabalak muli na mandukot ng mga prominenteng pamilya at mga negosyante sa lalawigan ng Basilan.(Ulat ni Roel Pareño)