Sa ulat na tinanggap ni Chief Inspector Jesus Surio Reyes, hepe ng pulisya sa bayang nabanggit, ang bayaning paslit na natusta ang buong katawan ay nakilalang si Joseph Papellero, samantalang ginagamot naman sa pinagdalhang pagamutan sanhi rin ng tinamong mga paso at lapnos sa katawan ang kanyang ama na si Atty. Ponciano Papellero, ng nasabi ring lugar.
Ayon sa salaysay ng ama ng nasawi, dakong alas-10:15 ng umaga habang siya ay nasa loob ng kuwarto ay bigla na lamang pumasok ang kanyang anak at pilit siyang hinihila palabas dahilan sa nasusunog na ang kanilang bahay.
Nang lumabas nga sila sa kuwarto ay sumalubong na sa kanila ang makapal na usok at bahagyang apoy galing sa kabilang silid, kaya mabilis na silang lumabas ng bahay.
Hindi pa man sila tuluyang nakakalayo ay nagpumiglas buhat sa kanyang pagkakakapit ang batang si Joseph kasabay nang pagsasabing "Mauna ka na daddy at papatayin ko ang apoy para mailigtas ang ating bahay".
Dahil sa mabilis ang pagpasok ng bata ay sinundan niya ito para mailabas, subalit dahil na rin sa naglalagablab na apoy at makakapal na usok ay hindi na niya ito nakita, hanggang sa dumating ang mga bumbero at doon natagpuan na sunog ang kanyang anak.
Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat upang mabatid ang sanhi ng sunog na tinatayang umaabot sa dalawang milyong piso ang halaga ng mga ari-ariang napinsala. (Ulat ni Efren Alcantara)