Sinabi ni Acting PNP chief, Deputy Director General Leandro Mendoza, sa kasalukuyan ay wala pa silang makitang dahilan kung bakit tinuluyang paslangin ng mga kidnappers ang magkasintahang kinilalang sina John Carlos Leong at Honey Tingale.
Sina Leong at Tingale ay kapwa estudyante ng University of the Philippines (UP) na dinukot noong Marso 8 ng taong ito sa nasabing lungsod.
Inihayag ni Mendoza na ginagawa ng mga awtoridad ang kanilang makakaya sa isinasagawa nitong imbestigasyon upang matukoy at maiharap sa batas ang mga kidnappers.
Ayon kay Mendoza, nauna nang humingi ng P4M ransom ang mga suspect sa pamilya ng dalawang biktima subalit P2M lamang ang naibigay sa mga kidnappers.
Base sa teorya ng mga awtoridad, posibleng nairita ang mga kidnappers dahilan tig-P1M lamang ang naibigay na ransom para kina Leong at Tingale kayat tinuluyan ang mga itong patayin.
May hinala rin ang pulisya na posibleng kakilala ng mga biktima ang mga salarin kung kayat matapos na matanggap ang ransom money ay tinapos ang buhay ng magkasintahan.
Ang dalawang bangkay ay tadtad ng mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan at itinapon sa dayamihan sa palayan sa lalawigan ng Pampanga.
Magugunita na ang bangkay ng dalawang estudyante ay natagpuang itinapon matapos na brutal na paslangin sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Pampanga. Ang labi ni Leong ay natagpuan sa bayan ng Mexico, samantalang ang bangkay naman ni Tingale ay narekober sa San Antonio, Pampanga. (Ulat ni Joy Cantos)