11 katao tiklo sa sugal na jueteng

JALA-JALA, Rizal – Hindi na nakatakas ang 11 katao sa mga awtoridad matapos mahuli ang mga ito na nagsasagawa nang pagbobola ng jueteng malapit sa isang himpilan ng pulisya kamakalawa.

Ang mga naaresto ay nakilalang sina Romeo Torres, 42, kabo at mga kolektor na sina Sonny Alano, 32; Ernesto Lazaro, 38; Edilberto Suazo, 40; Rodolfo Ortega, 61; Rodelio Estrella, 58; Benito Bernardo, 53; Isagani Garcia, 41; Guillardo Estrellardo, 25; Michael Bilog, 20 at Lilia Caranza, 46 na pawang residente ng Marikina City at ng bayang ito.

Sa ulat ng Rizal PNP-General Assignment Section na nakatanggap sila ng impormasyon sa mga residente ukol sa lantarang bolahan ng jueteng sa pinakadulo at pinakaliblib ng Bgy. Poblacion sa bayang ito na may 100 metro lang ang layo sa himpilan ng pulisya.

Sinalakay ang naturang bolahan ng mga tauhan ng Rizal Provincial Police Command-General Assignment dakong alas 11:00 ng umaga at nadakip sa aktong nagsasagawa ng pagbobola.

Nakumpiska sa nasabing pagsalakay ang mga jueteng paraphernalias at hindi mabatid na nakoleksyong pera.

Napag-alaman sa mga residente na kaya hindi ito ginagalaw ng pulisya dahil sa nagbibigay umano ng protection money ang jueteng personnel dito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments